Mula sa l,000 pesos sinimulan ng isang binata ang negosyong magbabago sa buhay nila

Mula sa l,000 pesos sinimulan ng isang binata ang negosyong magbabago sa buhay nila

Karaniwan sa mga naglalakihang negosyo sa bansa ay nag umpisa muna sa pinakamaliit. At hindi akalain na ito pala ang pinagmulan ng isang napakalaking negosyo sa kasalukuyan. Ngunit kasabay naman sa mga iyon ay ang hirap at sakripisyo upang maabot ang tagumpay. 

Ang kwento ng isang 22 anyos na binata ay tiyak kakapulutan natin ng aral at pag-asa. Mula sa post ng kanyang ina matutunghayan natin ang kahanga-hangang diskarte sa buhay ni Gerdan Tolero ng Tondo. 

Dumaan sa pagsubok ang buong pamilya ng binata nang sila ay nabiktima ng sunog. Natupok at naubos ang ari-arian. Ang tanging natira ay ang naipon niya mula sa alkansya na 1,000 pesos. Sa panahon iyon ay naka-schedule ang rasyon ng tubig sa kanilang lugar at napansin niya na kulang sa kagamitan ang mga tao ng lagayan ng tubig. Kaya nakakita ng oportunidad ang binata. Ang natabing pera ay ibinili niya ng mga drum mula sa mga bakery at iyon ay ibinenta niya sa mga tao na may kaunting tubo. 

Hindi naglaon ay lumago ng kaunti at naisipan niya na bilhin ang sirang side car at iyon ang ginamit niya sa pagtitinda ng gulaman. Matapos ng dagok na dumating sa buhay nila ay tila sumang-ayon ang panahon sa kanya. Lumago rin ang pagtitinda niya ng gulaman. Bagkos nadagdagan pa ito ng dalawa pang sidecar at kumuha na rin siya ng tauhan upang magbenta nito. Nakatulong pa si Gerdan na magbigay ng hanap-buhay sa kapwa. 

📸 Gemma Tolero

Subalit imbes na iasa sa gulaman ang buhay ay naghanap pa ng ibang pagkakakitaan ang binata. Nagpagawa siya ng kariton sa step father niya at ginamit niya iyon upang maglako naman ng isda. Ala una ng madaling araw ay nasa Navotas Fishport na siya at tuwing 3:30 ng umaga ay nilalako na niya ang mga isda at karamihan sa mga parokyano niya ay ang mga nasa karenderya. 

Ang mga kinita niya sa negosyo ay itinabi niya. Nilalagay niya sa malaking balde ang barya at sa isa pang balde ang mga tig bebenteng papel. Hanggang sa napuno at inayos ni Gerdan ang mga naipon sa takot na baka mabulok ito. Sandamakmak na tig 20 pesos at barya ang naipon niya mula sa pagtitinda ng gulaman at isda. Laking tuwa naman ng mga magulang niya dahil sa pagsisikap ng anak kahit ito man ay nagkakasakit na sa paglalako ng isda. 

Hindi nagpatinag si Gerdan sa hamon ng buhay. Nilaanan niya ng tiyaga at sipag. Sa uri ng diskarte sa buhay ng binata, hindi malayo na balang araw ay magmamay-ari na ito ng isang napakalaking negosyo.