Street vendor noon, isa na sa pinakamayaman na Pilipino ngayon

Street vendor noon, isa na sa pinakamayaman na Pilipino ngayon

Karamihan yata sa mga pilipino ay may kilalang brand ng inumin pagdating sa handaan gaya ng kaarawan, fiesta o kahit pambaon sa eskwelahan ng mga kabataan. Ito ang Zest-O. Ito ay sinimulan ni Alfredo Yao at dahil nga sa kasikatan ng kanyang produkto ay tinagurian siyang juice king. 

Ipinanganak siya noong November 23, 1943 isang filipino-chinese. Sa edad na dose ay lumisan na ang kanyang ama kaya kinailangan niyang tumulong sa kanyang ina na isang street vendor sa Blumentrit. Sa tulong ng mga kamag-anak ay nakapag-aral siya hanggang high school at nagtrabaho na siya sa warehouse ng isang packaging company. Dito ay natuto siya sa printing business at sa edad na 17 ay nagtayo ng sariling printing press ngunit umutang muna ang nanay niya sa bangko ng tatlong-libo para puhunan. At naitayo nga ang Solemar Commercial Press na tumagal ng dalawampung-taon. 

Photo credit Business News Philippines 

Noong 1979 ay nagtungo sa France si Yao upang dumalo sa isang trade show. Namangha siya sa isang teknolohiya na tinawag na doypack o mas kilala sa atin bilang tetra pack. Naisip niya na maging patok ito sa pilipino kaya naman binili niya ito at dinala sa bansa. Inalok niya ang mga kilalang gumagawa ng juice sa bansa subalit tinanggihan ang teknolohiyang dala niya. Dahil doon ay naisip niya na siya na lamang ang gagawa ng juice at ilagay sa tetra pack. Noong una ay sa kusina lang mismo ng bahay nila ginagawa ang produktong naka-tetra pack. Sa taong 1980 ay inilabas nga niya ang kauna-unahang orange juice drink na nasa tetra pack. Sa tulong ng kanyang kaibigan na si Mon Dellosa isang fine arts professor sa UST, ito ang gumawa ng product design at ang pangalang Zest-O. 

Photo credit Sugbo.ph

Itinatag ang Semexco Marketing Corporation na ang pangunahing brand ay Zest-O. Di naglaon ay gumawa pa ito ng ibang brands tulad ng Sun Glo, Dutchmaid, Milkland, Tulip at Tita Frita. Dahil sumikat nga ng husto ang juice drink, pinalitan na nila ang pangalan ng kompanya at naging Zest-O Corporation. At naglabas pa ng ibang brand tulad ng Zest-O Rootbeer, Zest-O Choco, Zest-O Cola, Quickchow, Zest-O Iced Tea, One Plus, Plus, OK at JR. Nag-export rin sila sa 44 na bansa at dahil sa tagumpay ng kompanya ay umabot sa 210 milyong dolyar ang networth ni Yao at nakabili pa siya ng ibang kompanya tulad ng Philippine Business Bank at Macay Holdings Inc., na may-ari ng RC Cola. Nabili rin niya ang Asian Spirit airline na naging ZestAir pinalitan  bilang Air Asia Zest hanggang sa binenta rin niya at ito na nga ngayon ang Air Asia Philippines. Dahil sa karanasan niya na hindi nagkapagtapos ng pag-aaral ay itinayo niya ang Alfredo M. Yao Foundation kong saan tumutulong siya sa mga kabataang may angking talino ngunit walang kakayahan na makapag-aral. 

Photo credit Vulcan Post

Ang kwento ni Alfredo Yao at ang Zest-O Corporation ay isang patunay na hindi hadlang ang kahirapan upang maisakatuparan ang tagumpay sa buhay.