NETIZEN, NAG-FRIEND REQUEST SA HINDI KAKILALA PARA MANGHINGI NG TULONG

NETIZEN, NAG-FRIEND REQUEST SA HINDI KAKILALA PARA MANGHINGI NG TULONG

“Hindi kami personal na magkakilala ni Maria Grace. Nagpadala lang siya ng friend request at dahil mukhang harmless naman siya, tinanggap ko.”

Ito ang ikinuwento ni Murphy Red sa isang mahabang Facebook post.

Nakatanggap daw siya ng isang friend request mula sa isang netizen na hindi naman niya kakilala.

Agad naman niyang in-accept ito at hindi niya inaasahan ang sumunod na nangyari.

“Kaninang maagang-maaga, nag-message s’ya sa akin na baka pwede makahingi ng konting bigas kasi kagabi pa hindi kumakain ang mga anak niya, sagad na sagad na ang bigas nila at wala na silang malapitan.”

PHOTO: Facebook | Murphy Red
PHOTO: Facebook | Murphy Red

Sa kuwento umano ni Maria Grace, walang trabaho ang mister nito dahil sa pandemya.

Naging masasakitin rin ang mister nito kaya hindi rin makakilos.

“Tatlong beses lang daw silang nakatanggap ng relief mula sa gobyerno at wala nang kasunod.”

“Nadurog ang puso sa sinabi niyang kalagayan kaya nagpasya ako ng mapaabutan siya ng tulong sa anumang paraan. Katulad na halos lahat na apektado ng militaristang lockdown ng gobyerno sanhi ng pandemyang COVID-19, kapos din ako sa materyal na bagay pero di tulad ni Maria Grace, wala akong mga batang alaga na hindi kayang busugin ang kumakalam na mga sikmura ng maski ano pang paliwanag.”

Agad raw niyang tinanong kung tagasaan si Maria Grace.

“Dahil malayo ang agwat ng tirahan ko dito COGEO mula sa barangay nila at hindi ako nangangahas na lumabas dahil ako ay asthmatic at bulnerableng mahawa ng coronavirus, kinontak ko ang pamangkin kong si Raya na taga-Dalig 2 at pinakiusapan na paabutan ng bigas at ilang delata at iba pang makakain si Maria Grace.”

PHOTO: Facebook | Murphy Red
PHOTO: Facebook | Murphy Red

Mabuti na lamang at agad na tumugon ang pamangkin niyang si Raya at nagawa nitong makipagkita kay Maria Grace sa napagkasunduang lugar para maiabot ang kaunting pagkain na napagtulungan nilang maibahagi.

“Pinopost ko ito hindi para magmayabang kundi dahil hindi ko maiwasang isipin kung ilan pa ang tulad ni Maria Grace na sa sobrang kakapusan ay nagbabakasakali na lamang makahingi ng tulong maski sa mga hindi kakilala.”

Abot-abot raw ang pasasalamat ni Maria Grace sa kanila dahil lahat daw ay sinubukan na nitong i-chat sa Facebook para magbakasakaling makahingi ng tulong.

Ngunit sa kasamaang-palad ay hindi nagre-reply ang mga ito. Ang ilan ay ibina-block pa umano siya.

PHOTO: Facebook | Murphy Red
PHOTO: Facebook | Murphy Red

“Hindi rin masisisi ang mga gumawa sa kanya ng ganoon dahil siguradong pareho lang din ang kalagayang kinasasadlakan nila ng kalagayan ni Maria Grace.”

Ang huling bahagi ng post ay patungkol sa kanyang pananaw sa gobyerno at sa paraan nito ng pagtugon sa kinakaharap nating pandemya.

“Hindi man lang nagtira ang manhid na gobyernong ito ng maski katiting na dignidad sa mga mamamayan na napipilitan nang mamalimos dahil sa hirap at militarisasyon. Habang nagpapasasa sa pangungulimbat ang mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng sakuna, maraming Maria Grace na tumatahimik na lamang at nagtitiis sa gitna ng panganib sa patuloy na pagdami araw-araw ng bilang ng nagkakasakit at namamatay dahil sa #COVID19PH.”

PHOTO: Facebook | Murphy Red
PHOTO: Facebook | Murphy Red

Nakakatuwang isipin na kahit na hindi sila magkakilala ay nagawa pa ring makapag-abot ng kaunting tulong para kay Maria Grace at sa pamilya nito.