HARLENE ‘HIPON’ BUDOL, NA-OFFEND SA PRANK NI ALEX GONZAGA?

HARLENE ‘HIPON’ BUDOL, NA-OFFEND SA PRANK NI ALEX GONZAGA?

Ang latest vlog ni Alex Gonzaga ay tungkol sa pagpa-prank kay Harlene Budol na mas kilala sa tawag na “Hipon.”

Si Harlene o Hipon ay nakilala ng publiko bilang isa sa mga co-hosts ni Willie Revillame sa GMA-7 show na Wowowin.

PHOTO: GMA-7 | Wowowin

Sa nasabing vlog, lumuha nang husto si Hipon dahil sa prank ni Alex nang bilhan siya nito na mamahaling sapatos at bag bilang regalo.

Sa prank, sinabi ni Alex na kailangan palang mag-ambag ni Hipon sa biniling sapatos at bag na umabot sa mahigit PHP150,000.

Sa simula pa lang ng vlog ay na-prank na si Hipon dahil pinapunta siya ni Alex sa bahay nila sa Rizal para mag-swimming ngunit pagdating niya doon, wala naman palang tubig ang swimming pool.

Nakahanda pa naman si Hipon sa baon nitong swimsuit.

Kaya nagdesisyon na lang si Alex na dalhin si Hipon sa mall para ipamili nga ito ng mamahaling gamit.

Sa sasakyan pa lamang ay kita na ang excitement ni Hipon at biniro nito si Alex kung pupwede niyang ibenta ang gamit kung sakali.

Ang sagot naman ni Alex, “Kapag kinakain na ng big intestine mo yung small intestine mo, pwede mo nang ibenta.”

PHOTO: Screenshot from Alex Gonzaga’s vlog

Una nilang pinuntahan ang shop ng sikat na brand ng relo kung saan nagsukat si Hipon ng isa sa mga relo na nagkakahalaga ng mahigit PHP600,000.

Nang pumasok naman sila sa Gucci store, pinapili agad ni Alex si Hipon ng bag na nagkakahalaga ng PHP125,000 at sapatos.

Habang nagbabayad sa counter ang dalawa, bumuhos na ang luha ni Hipon sa sobrang kaligayahan dahil sa mga binili para sa kanya.

PHOTO: Screenshot from Alex Gonzaga’s vlog

Ang sabi niya, “Hindi ko akalain na magkakaganyan ako. Pag yumaman ako te, babayaran ko sa’yo yan.”

“Deserve mo yan kasi nagtatrabaho ka para sa pamilya mo. Yung mga gusto mong bilhin, dapat nakabili ka na niyan sa laki ng kinita mo pero di ka nakabili kasi inuna mo yung family mo,” sagot naman ni Alex.

PHOTO: Screenshot from Alex Gonzaga’s vlog

Pagkalabas nila ng Gucci store ay nagsimula na ang prank ni Alex at ng kanyang mga kasabwat.

Pinalabas nilang nagagalit ang ina ni Alex na si Mommy Pinty dahil lumagpas sa budget nila ang mga pinamili ni Hipon.

Hindi raw kasi nila akalain na sobrang mahal ng mga pipiliin ni Hipon.

PHOTO: Screenshot from Alex Gonzaga’s vlog

Balak namang ibalik na lang ni Hipon ang mga pinamili o kaya ay palitan ng mas mura dahil wala raw siyang pera.

Ayaw namang pumayag nina Alex dahil baka makasira raw ito sa imahe ng vlogger-actress.

Pinilit na lang nila si Hipon na gumawa ng paraan para mabayaraan sa oras ding iyon ang kahit kalahati ng halaga ng mga pinamili.

Dahil walang pera, napilitan si Hipon na tumawag sa mga kakilala at manghiram ng pera habang patuloy na umiiyak.

“Ayoko na ng Gucci, te,” ang sabi ni Hipon habang humahagulgol.

Kahit na binawi na ni Alex ang mga sinabi at ibinulgar na isang prank lamang iyon ay hindi na natigil ang luha ni Hipon.

Samantala, nag-react naman ang ilang netizens na nakapanood na ng nasabing vlog.

Bagama’t maraming naaliw at natuwa sa napanood, marami-rami rin ang nagsabi na hindi maganda ang biro na ginawa kay Hipon.

Tila pinagmukha raw masyadong kawawa si Hipon na aminado namang walang pera ngunit pinilit na singilin sa mga mamahaling gamit.

Kitang-kita raw sa mukha nito ang pagkadismaya at tila pagka-offend dahil sa nangyari.

Ikaw, anong masasabi mo tungkol dito?