DELIVERY RIDER NA NABIKTIMA NG FAKE BOOKING, DINAGSA NG TULONG NG NETIZENS

DELIVERY RIDER NA NABIKTIMA NG FAKE BOOKING, DINAGSA NG TULONG NG NETIZENS

Kamakailan lang ay nag-viral sa social media ang video ng isang food delivery driver na nakuhanang umiiyak dahil nabiktima ng fake booking.

Ang fake booking ang madalas maranasan ngayon ng mga food delivery riders kung saan may customer na mag-oorder at magpapa-deliver ng pagkain gamit ang pekeng pangalan o pekeng address.

Kung minsan naman ay pekeng pangalan ang gagamitin pero tunay na address ang ilalagay.

Ang nagiging ending ay nalulugi at nag-aabono kadalasan ang mga riders dahil hindi naman nila mahahanap ang customer sa ibinigay nitong address.

Ganito ang nangyari sa food delivery rider na nakuhanan ng video ng kapwa niya delivery rider din.

Sa ini-upload ni Paulino Baro Collo Jr. na video, makikitang nadaan niya ang isang kapwa rider na nasa gilid ng kalsada noong madaling-araw ng April 3.

Ang nakalagay na captions sa post:

#fakebooking

Nagyari ‘to last April 3, 2021 at 1:40 am. Kawawa naman si kuya, buti na lang napakiusapan namin yung crew para maisoli yung pagkaen at marefund yung pera ni kuya. Makonsensya naman sana yung mga nagfe-fakebooking dyan. Inaabot kami ng madaling araw para kumita para sa pamilya at makapagserbisyo, wag nyo naman sana kaming pagtripan.

(Panoorin ang nasabing video dito.)

Naawa si Paulino sa kapwa niya rider dahil alam niya ang pagod at hirap na dinadanas ng mga kagaya nila na kung tutuusin ay maituturing din na mga frontliners ngayong panahon ng pandemya.

Nakilala naman ang rider na nabiktima ng fake booking na si Martin Rallos.

Nag-post ito ng pasasalamat sa tulong ni Paulino.

(Bisitahin ang nasabing post dito.)

At dahil sa nasabing viral video na ipinost ni Paulino, dumagsa ang mga netizens na nagpaabot ng tulong.

Sa mga ipinost ni Martin na screenshots ng conversations sa Facebook, makikita ang ilang netizens na nagbigay ng tulong sa kanya.

Ang karamihan ay nagpadala sa kanya ng pera bilang tulong sa pamamagitan ng GCash, Cebuana Padala, online banking, at iba pa.

Di nakalimutan ni Martin ang magpasalamat sa mga netizens na nagmagandang loob sa pag-aabot sa kanya ng tulong.

Pinasalamatan rin niya si Paulino na nag-upload ng video kung saan siya nakilala ng mga netizens.

Aniya sa isang post, “Maraming salamat po sa binigay nyu tulong po sobrang salamat po Tlga…Sana marami blessings na bumalik po sa inyu sa mga tumolong nagugulat po ako sa inyu… sobrang salamat po Tlga Lalo Kay lord…at sa rider na tumolong saken sobra sobra “paulino Baro callo Jr” kuys sobrang salamat”

At bilang pasasalamat din niya sa lahat ng tulong na natanggap niya, nagdesisyon siyang mamahagi din ng tulong sa kanyang kapwa.

Sa isang Facebook post niya ngayong araw, Aprill 11, makikita ang ilang larawan niya kasama ang ilang kapwa delivery rider na naghahanda ng pagkain na ipinamigay nila sa mga kapwa nila nagtatrabaho sa labas.

Ang nakalagay na caption sa post: “gud  pm ako si “superrallos” or real namen ko is “MartinRallos”  na fake booking po na trending po social media po..Sa lahat ng tumolong sa akin maraming po salamat Ang naibahagi nitong tulong sa akin, akin din na ipamahagi sa ibang tao. Mas naniniwala ako na mas marami pa tayong matutulungan na iba kung patuloy tayong magkakaisa.

Salamat sa lahat ng tulong nito keep safe everyone and God bless to all of us..god bless po din po sa family nyu po.?? At maraming salamat sa mga kababata ko na tulong nag ayus para namigay po kanina..#Homiescrew”

(Bisitahin ang nasabing post dito.)