ANNE CURTIS AT ANGEL LOCSIN, PINASALAMATAN NI MAYOR VICO SOTTO SA DONASYON NA ISANG MILYONG PISO

ANNE CURTIS AT ANGEL LOCSIN, PINASALAMATAN NI MAYOR VICO SOTTO SA DONASYON NA ISANG MILYONG PISO

Pinasalamatan ni Pasig City Mayor Vico Sotto sina Anne Curtis at Angel Locsin sa ibinigay ng mga itong donasyon na nagkakahalaga ng isang milyong piso.

Ayon sa kwento ni Mayor Vico, galing umano ang isang milyong piso mula sa fundraising campaign na inorganisa ng dalawang aktres.

Ang nasabing halaga ay nakalaan ngayon bilang pandagdag sa pondo ng vaccination program ng Lungsod ng Pasig.

Sa kayang Facebook Live noong April 12, pinasalamatan ni Mayor Vico ang Dalawang aktres.

“Shoutout at ang aking pasasalamat sa Shop and Share. Nag-donate po sila ng isang milyong piso para sa ating vaccination program.

“I-earmark lang po natin kasi sa ngayon wala pa namang available na bagong manufacturer na pwede nating pag-order-an.”

Ang Shop and Share ang fundraising campaign na pinangungunahan nina Angel at Anne.

Dagdag pa ni Mayor Vico, “Eto po sina Ate Angel Locsin at Ms. Anne Curtis, nag-donate po sila ng PHP1M.”

Lubos ang paghanga ng batang mayor sa dalawang aktres dahil ramdam daw niya ang buong-pusong pagtulong ng dalawa.

Wala man lamang daw media coverage nang ipaabot ng dalawa ang kanilang cash donation.

Paliwanag pa ni mayor, “Ito pong 1 million pesos na dinonate ng Shop and Share nina Ate Angel, nina Ms. Anne, thank you, thank you.

“Ito, walang fanfare, walang media. Ni hindi nga kami nagkita.

“Iniwan lang nila yung tseke. Pinaresibuhan na lang natin. So, thank you.”

Sa kasalukuyan ay patuloy ang vaccination program sa Pasig City at ang donasyon ay dito nga sa programang ito mapupunta.

“Idadagdag po natin iyan sa vaccination fund natin. Nag-order na tayo ng 400,000 doses ng AstraZeneca.

“Wala pa yung order natin. Ganun din naman sa ibang LGU, wala pang order nila.

“Pero hopefully dumating na by 3rd or 4th quarter. Tingnan natin. I’m sure they would do the best that they can.”

Matatandaang kamakailan lamang ay naging kontrobersyal ang dalawang aktres sa pagiging vocal nila sa kanilang mga opinyon sa nangyayari sa bansa.

Ilang beses na rin silang binatikos ng mga bashers dahil sa umano’y pakikialam ng mga ito sa mga pangyayari sa bansa.

At gaya ng madalas na argumento ng mga bashers, hinahanapan na lang nila ng ambag ang mga kritiko ng pamahalaan.

Sa kabila ng lahat ng ito, hindi nagpatinag ang dalawa sa kanilang layunin na makatulong sa ating mga kababayan.

Sa pamamagitan ng Shop and Share, nagagawa nilang magbenta ng mga pre-loved items mula sa mga artista.

Ang pondong kinikita nito ay idino-donate naman sa mga LGUs para makatulog sa pagbili ng testing kits at ngayon naman ay para sa mga vaccination program.

Kabilang sa mga napili nilang benificiaries ang Baguio City, Taguig City, Quezon City, Manila City, Pasig City, at ang Philippine Red Cross.

Ang bawat isa sa mga ito ay nakatanggap ng tig-isang milyong piso.