Pasyenteng buhay pa, ipinanghingi na ng abuloy ng kapitan

“Nakakahiya naman yan, buhay pa ang tatay namin, lumalabas patay na.”

Ito ang naging reklamo ng anak ng isang residente sa Nueva Ecija matapos mapag-alamang ipinanghihingi na ng abuloy ang kanyang ama matapos akalaing patay na ito.

Inirereklamo nila ang ilang opisyal ng barangay na nanghingi na ng abuloy sa mga kabarangay nila.

At dahil sa paniningil ng abuloy, kumalat tuloy sa kanilang barangay sa Talugtog, Nueva Ecija na sumakabilang buhay na ang kanilang haligi ng tahanan.

Screenshot: GMA News

Ang kanilang ama na si Feliciano Fausto ay naka-confine lamang sa isang ospital dahil sa iniindang sakit sa bato.

Aminado ang anak na si Nely na nagagalit sila at masama ang loob sa mga opisyal na barangay na hindi man lamang muna nagtanong sa totoong kalagayan ng kanilang ama.

Gusto raw nilang ireklamo ang kapitan ng barangay dahil sa ginawa nitong panghihingi ng abuloy para sa kanilang ama na buhay pa naman at nagpapagaling lang sa ospital.

Screenshot: GMA News

Aminado naman ang kapitan ng barangay na si Nelia Garillo sa kanyang naging pagkukulang.

Siya raw ang nag-utos na maningil na ng abuloy sa mga kabarangay matapos makarating sa kanya ang balita na namatay na umano si Mang Feliciano.

Aminado naman siya na hindi muna niya inalam ang totoo at basta na lang naniwala sa balita.

Aniya, “Ang ginagawa po namin, may kaunting contributin sila. Hindi naman yan pinipilit. May association dito sa barangay namin sa mga senior citizen. Kung halimbawa may namatay, mayy tulong na tig-100 pesos.”

Ayon din sa kanya, ibabalik na lang sa mga kabarangay ang mga ibinigay nilang abuloy.

Base sa mga pahayag ng mga anak ni Mang Feliciano, mukhang magsasampa nga ng mga reklamo ang mga ito laban kay kapitan.

Screenshot: GMA News

Bilang patunay na buhay pa at malakas pa ang kanilang ama, nag-upload rin sila ng video kung saan makikita ang kanilang ama na nakatayo at naglalakad habang akay-akay ang stand ng dextrose nito.