DELIVERY RIDER, NAGING ‘HERO’ NG ISANG CUSTOMER

DELIVERY RIDER, NAGING ‘HERO’ NG ISANG CUSTOMER

Viral ngayon sa social media ang isang Facebook post kung saan nagkwento ang isang customer sa isang kakaibang experience niya sa isang delivery rider.

Sa post ni Diane Francheska Ombac, ikiwento niya kung paano naging tila isang “knight in shining armor” niya ang isang delivery rider.

Nag-text ang delivery rider na si Ronald Bacani para ipaalam sa kanya na naroon na ito sa kanila para sa delivery.

Nakapag-reply pa naman umano siya rito.

Pero ang mga sumunod niyang mensahe na para sana sa kapatid niya ay sa delivery rider pa rin niya nai-text. Sa madaling salita, na-wrong send siya dito.

PHOTO: FAcebook | Diane Francheska Ombac

Sa text message na ipinadala ni Diane, nagpapabili siya ng gamot dahil nahihirapan siyang huminga.

Ang nasabing gamot ay para sa hika.

PHOTO: Facebook | Diane Francheska Ombac

Nang mapansin ni Diane na mali siya ng napagpadalhan ng mensahe ay agad siyang humingi ng paumanhin kay Ronald.

Idineliver naman ni Ronald ang mga order ni Diane kasama na rin ang gamot na ipinakisuyo nito.

Maliban dito, nag-text pa ito ng ilang paalala tungkol sa karamdaman ni Diane.

“Bawal sa’yo processed food, mga oily food. Lalo na mga fried. Yan ang magpapalala.”

PHOTO: Facebook | Diane Francheska Ombac

Ipinost ni Diane sa kanyang Facebook ang screenshot ng conversation nila.

Agad itong umani ng reaksyon mula sa mga netizens at papuri para sa delivery rider.

Ang caption ng nasabing post:

“Hello kay Kuya na mabait na naabala sa katangahan ko sorry hirap na hirap na talaga ko kanina. Akala ko kapatid ‘yung na text ko. Akala ko din siya talaga kaya nung sinabi niyang malayo na siya, di na ko nag-reply. Bumalik si kuya binilhan niya ko tapos hindi siningil yung shipping.”

Dahil natuwa ang mga netizens, ang ilan sa kanila ay nagpadala pa ng GCash sa deliver rider bilang pagsaludo sa ginawa nitong munting kabayanihan.

Nang malaman ni Ronald ang viral post ni Diane, agad itong nagpasalamat sa kanya.

Nagpasalamat din ito sa natanggap niyang GCash dahil hindi lamang daw ito pang-merienda kundi pandagdag na sa kanyang budget.