Live selling sa Facebook, nauwi sa wedding proposal

Live selling sa Facebook, nauwi sa wedding proposal

Kinakiligan ng mga netizens ang isang online selling video na nauwi sa wedding proposal.

Sa Facebook post ni Rienz Crystal Reyes Viernes, makikita na nagsimula ang video sa isang ordinaryong live selling.

Isa-isang ipinapakita at isinusukat ang mga tindang damit at hinihintay na may magsabi ng “mine.”

Ngunit ang simpleng online selling ay mauuwi pala sa isang espesyal na sandali.

PHOTO: Facebook | Rienz Crystal Reyes Viernes

Walang kamalay-malay si Rienz na may binabalak palang nakakakilig na sorpresa ang kanyang longtime byfriend.

Aniya, “Nagulat ako at first, although napag-uusapan na namin ang pag-settle down before. Hindi ko akalain na gagawin niya ‘yon during live selling.”

PHOTO: Facebook | Rienz Crystal Reyes Viernes

Habang abala umano sa live selling ang kasintahan ay naisingit ni Josephous Sumaylo Ramas ang preparasyon sa kanyang proposal.

Bago matapos ang live selling ay pinahulaan ni Rienz at ng kasama nito sa mga viewers kung ano ang laman ng mystery box.

Ang makakahula ng tamang sagot ay makakakuha ng free item.

Nang may makahula ng laman nito na isa palang singsing, dito na pumwesto sa likod ng walang kamalay-malay na si Rienz si Josephous.

PHOTO: Facebook | Rienz Crystal Reyes Viernes

Hindi man makapaniwala, napasagot pa rin ng matamis na “Oo” si Rienz kay Josephous na pitong taon na niyang boyfriend.

Ayon kay Josephous, “Masaya ako at ang family ko para sa’min, syempre pati mga manunuod na nakisaya sa amin during that time. Sobrang love siya ng family ko. Kaya hindi siya nahirapan magpaalam.”

“Habang busy siya sa pagse-setup ng items nakabili ako ng cake at dun ko na nilakasan ang loob ko na magpropose. Buti na lang nasabihan ko mga kapatid ko at mama ko na manuod ng live selling niya. Hindi ko po akalain na magvi-viral ‘yung proposal ko dahil simple lang ang nakaya ko.

Panoorin ang nasabing viral video dito.