Batang babae, aksidenteng naka-order ng pagkain na nagkakahalaga ng halos walong libong piso

Batang babae, aksidenteng naka-order ng pagkain na nagkakahalaga ng halos walong libong piso

Naglulupasay sa iyak ang isang pitong-taong gulang na batang babae matapos magkaroon ng problema sa pag-order niya sa isang food delivery app.

Sa halip na isang delivery rider lang kasi ang dumating, mahigit 30 delivery riders ng Food Panda ang dumating sa kanilang bahay.

PHOTO: Facebook | Dann Kayne Suarez

Sa Facebook Live ng kapitbahay nilang si Dann Kayne Suarez, nakuhanan ang pagdagsa ng food delivery riders sa kanilang bahay.

Ayon sa pagkukwento nito, pare-pareho lang ang dumating na order ngunit iba-ibang delivery riders ang may dala nito.

Hindi umano malaman ng batang babae kung ano ang gagawin nito sa napakaraming chicken fillet na may kasamang fries, at kung paano niya rin ito mababayaran.

PHOTO: Facebook | Dann Kayne Suarez

Ang insidenteng ito ay naganap sa Barangay Mabolo, Cebu City.

Napag-alaman na umorder ang bata ng pagkain sa pamamagitan ng food delivery app ngunit hindi nito akalain na ganoon ang mangyayari.

Sa halip na isang piraso lamang, umabot sa 42 na piraso ng chicken fillet at fries ang na-order nito nang hindi namamalayan.

Ngunit sa halip na 42, umabot lamang sa 32 ang riders na nag-deliver ng order dahil nagawa pang habuling mai-cancel ang ibang orders.

Umabot ng halos walong libong piso ang kabuuan ng na-order na pagkain.

PHOTO: Facebook | Dann Kayne Suarez

Isinisisi ng bata ang pangyayari sa mabagal na internet at dahil umano sa pagla-lag ng internet connection, hindi nito namalayan ang paulit-ulit na pagkaka-order ng mga pagkain.

At dahil mangiyak-ngiyak sa takot ang batang babae, nagmagandang-loob ang ilang kapitbahay nito na bilhin na lamang ang sumobrang order nito.

Ngunit kahit na binili na ng mga kapitbahay ang ibang orders, marami pa rin ang sumobra kung kaya’t nagdesisyon na ang ibang riders na isoli na lamang daw ito.

PHOTO: Facebook | Dann Kayne Suarez

Napag-alaman na ang tanging kasama lamang ng bata sa bahay ay ang kanyang lola dahil pumasok sa trabaho ang mga magulang nito.

Iniwanan lamang daw ng magulang ang isang cellphone para maka-order ang bata ng pagkain nila online.

At sinisisi nga ng bata ang umano’y pagla-lag ng internet connection kung kaya’t paulit-ulit ang naging order nito.

PHOTO: Facebook | Dann Kayne Suarez

Maging paalala sana ito sa mga magulang na maging doble sa pag-iingat sa pagpapagamit ng cellphone sa kanilang mga anak.

Maaari pa rin namang ang mga magulang ang umorder ng pagkain para sa mga anak para maiwasan ang ganitong mga pangyayari.

Panoorin ang nasabing video dito.