Jane de Leon, inamin na iniyakan ang pag-alis ni Jerrold Tarog sa ‘Darna’

Jane de Leon, inamin na iniyakan ang pag-alis ni Jerrold Tarog sa ‘Darna’

Inamin ng aktres na si Jane de Leon na umiyak siya nang nalaman niya ang pag-alis ni director Jerrold Tarog sa nalalapit na serye ng ‘Darna’.

Si de Leon ang napiling aktres na gaganap bilang ‘Darna’ sa direksyon ni Tarog.

Ipinahayag ng aktres na kinailangang umalis ni Tarog sa set ng ‘Darna’ dahil mayroon nang nakalinyang proyekto ang direktor na dapat niyang gawin pagkatapos ng shooting ng teleserye. Nakatakdang ipalabas ang ‘Darna’ sa May 2021 ngunit na-postpone ito dahil pansamantalang tinigil ang shooting dahil sa COVID-19 lockdown.

Sobrang love na love na love ko yan si direk Jerrold. I cried talaga and I really do understand kasi diba dapat May na yung showing ng movie ng ‘Darna’, if ever, May 21,” ang sabi ni de Leon sa press conference ng ‘Ang Probinsyano’ kung saan bahagi rin sa cast ang aktres.

Dagdag din ni de Leon na naiintindihan naman niya ang desisyon ng direktor ang buong-puso niya itong sinusuportahan.

Pero kasi ngayon meron ng nakalaan na proyekto after ‘Darna’ and ito ‘yung oras na ‘yun for him to do that movie. Yes, kailangan ko siya suportahan.”

Ibinahagi rin ng aktres ang malalim na pinagsamahan nilang dalawa lalo na sa mga panahon na pinagdududahan ni de Leon ang kanyang kakayahan na gumanap bilang ‘Darna’.

Direk Jerrold, sobrang mahal na mahal talaga kita ang ‘yung suporta na binibigay niya sa akin ang ‘yung tiwala —kasi lagi kong sinasabi sa kanya, ‘Direk, bakit ba ako yung pinili mo?’ Lagi kong sinasabi sa kanya ‘yun eh. ‘Ano bang meron sa akin?’ And lagi niya sa akin sinasabi, ‘Basta pagkatiwalaan mo ako sa desisyon ko, sa desisyon ng management.’”

Pinuri rin ng aktres ang kabutihan ni Tarog bilang isang kapamilya at katrabaho.

He’s like my brother. I can share everything sa kanya; mapa-personal na buhay ‘yan o trabaho. Ang sobrang thankful ako kay Lord na nakilala ko si direk Jerrold. Napakabait niya talaga na director.”

Marami na ang pinagdaanan ng buong cast at management para lamang maitulak ang reboot ng ‘Darna’ na inilathala ni Mars Ravelo.

Maaalala na si Erik Matti ang unang itinakdang direktor para sa teleserye ngunit umalis din siya dahil sa “creative differences” noong 2018. Nauna ring pinili si Liza Soberano na maging kasunod ni Angel Locsin bilang ‘Darna’ ngunit kinailangang bitawan ang role dahil sa finger injury habang training.

Matapos ang delay, napagpasyahan na si Jane de Leon ang gaganap bilang ‘Darna’ noong July 2019 kasabay ang banggit na sa January ng susunod na taong magsisimula ang taping ng teleserye. Nang maipatupad ang malawakang lockdown dahil sa pandemya, muli na namang naudlot ang pagbuo ng teleserye.

Sa ngayon, wala pang inilalabas na pahayag ang ABS CBN sa magiging kapalit ni Jerrold Tarog bilang direktor ng ‘Darna’. Naunang nagpahayag ng kumpirmasyon si Tarog sa kanyang Twitter account noong January 2021.

Ang sabi ni Tarog, “Unfortunately, I’m not going to be involved in the TV series due to scheduling conflicts. But some doors remain open regarding my future involvement in the Ravelo universe. We will see. For now, I wish ABS-CBN & @Imjanedeleon all the best. Let’s continue to support them.”