Vice Ganda, naglabas ng sama ng loob dahil sa pag-alis ni direk Bobet Vidanes sa ‘Showtime’

Vice Ganda, naglabas ng sama ng loob dahil sa pag-alis ni direk Bobet Vidanes sa ‘Showtime’

Sa unang pagkakataon, naglabas ng saloobin ang komedyante at host na si Vice Ganda sa pag-alis ng kanyang kaibigan at katrabaho na si direk Bobet Vidanes sa ‘It’s Showtime’.

Mula sa kanyang YouTube vlog, sinabi ng komedyante na laking-gulat niya nang malaman na bumitaw na si Vidanes bilang direktor ng nasabing noontime show sa ABS-CBN.

Ang sabi ni Vice: “Siyempre nagulat, wala namang nakakaalam. Hindi ko alam kung walang nakakaalam. Hindi ko alam kung alam niyo or hindi kasi ako personally, hindi ko alam.”

Dagdag pa niya, ilang beses siyang nagtangkang kausapin ang direktor para mangamusta at tanungin ang kanyang biglaang desisyon ngunit hindi umano sinasagot ni Vidanes ang mga text ni Vice.

Tinext ko siya na usap kami para lang maintindihan ko ‘di ba? Hindi niya ako sinagot. Para alam ko man lang or alam man lang natin or isa man lang sa atin ang may alam ng totoong rason. Kasi ‘yung rason, ‘yun ‘yung sinabi niya sa management pero ‘yung personal, wala naman siyang kinausap sa atin ‘di ba?”

Naging masakit para kay Vice Ganda ang biglaang pag-resign ni direk Bobet nang walang pasabi, lalo na’t matagal ang pinagsamahan ng dalawa. “Nakakagulat lang, parang after 11 years, ganun lang pala iyon. Kung meron man tayong bahagi doon sa dahilan niya para umalis, sana nalaman man lang natin.”

Pakiramdam din ni Vice na kung may kumausap kay Vidanes ay baka hindi humantong sa pag-reresign ng direktor sa ‘Showtime’.

Kung ano man ang dahilan niya, sana napag-usapan. Kung talagang family tao, baka kung napag-usapan, baka nagawan ng paraan. Baka natulungan natin ang isa’t isa. Kung may pinagdadaanan siya noon, baka nakagawa tayo ng paraan.”

Kahit tanggap ni Vice na mayroong personal na dahilan ang direktor sa kanyang pag-reresign, nagsisinungaling daw ang komedyante kung hindi niya sasabihin na nasaktan siya sa ginawa ng direktor.

Ang plastic kapag sinabi kong hindi ako na-offend. Naloka din ako, ano ‘yun ganun lang? walang sabi-sabi? After 11 years? Nanggaling pa ‘yun sa anniversary na meron pa tayong mga chikeng walang iwanan kahit anong mangyari. Sa opening ‘di ba may ganun tayo? Tapos a few days after the anniversary, biglang maririnig ko. Anong nangyari sa pangako?”

Ang sabi rin ni Vice, humingi rin siya ng tulong mula sa kanyang mga co-host na kumbinsihin ang direktor na huwag umalis sa ‘Showtime’.

Nakiusap ako sa inyo lahat na tulungan niyo ako na pigilan natin siya. Kasi siyempre kung meron naman tayong pipiliing director, wala naman tayong pipiliin kung hindi siya. Siyempre tatay nga. Ipagpapalit mob a ‘yung tatay mo kahit hindi kayo magkasundo? Kinalakihan ko na ‘yung ‘Showtime’ na siya ‘yung tatay ko. Kaya hangga’t maaari, kaya nakiusap ako sa inyong lahat na pigilan niyo.”

Sa kabila ng lahat, nagbigay pa rin ng pagmamahal at pasasalamat si Vice kay Vidanes pati na rin sa kanyang ‘It’s Showtime’ family na naging katrabaho niya ng higit sa sampung taon.

Ang daming pinagdaanan ng ‘Showtime’ pero kahit ano pa man ang mangyari diyan, ang ganda ganda ng bahay na iyan…Ano man ang mangyari, every day, thank you Lord for ‘Showtime’.”