Joshua Garcia, nagsalita na sa kanyang parte sa ‘Paubaya’ music video

Joshua Garcia, nagsalita na sa kanyang parte sa ‘Paubaya’ music video

Sa wakas, binasag na ng aktor na si Joshua Garcia ang kanyang katahimikan matapos naging viral ang music video ni Moira dela Torre sa kantang “Paubaya” kung saan katambalan niya ang kanyang ex-girlfriend na si Julia Barretto.

Bahagi ang aktor sa episode ng “ASAP Natin To” noong Linggo kung saan napag-usapan ang music video. Nang tanungin ni Kim Chiu at Enchong Dee si Garcia kung bakit siya pumayag, ipinaliwanag ng aktor na dahil ito sa matagal na pinagsamahan niya kasama ang mga tao sa likod ng “Paubaya”.

Simple lang ang sagot ko diyan —yung friendship namin nila Moi (Moira dela Torre), nila Kuya Jason (Jason Hernandez) and Julia (Julia Barretto). Yun yung isa sa nagpa-Oo talaga sa akin. Seryoso, totoo yun,” ang paliwanag ni Garcia.

Dagdag pa niya, “saktong-sakto” ang kanta ni dela Torre sa naging relasyon niya kay Barretto.

Si Moi yung nag-ask sa akin eh. Sabi niya, ‘Okay ka ba to do this Paubaya?’ Napakinggan ko yung kanta. Sabi ko, ‘Ang ganda nito ah.. Parang saktong-sakto masyado sa amin.”

Napunta rin ang usapan nina Chiu, Dee, at Garcia sa famous na dialogue sa kalagitnaan ng music video kung saan naglabas ng damdamin ang dating magkasintahan. Nang tanungin kung tunay ba ang sabi-sabi na kasama ang dalawa sa script writing, kinumpirma ito ni Joshua.

May script siya [dialogue scene], kami yung gumawa —ako, si Moi, si Kuya Jason, and si Jul. Kami yung gumawa apat.”

Dagdag pa ni Garcia, kahit scripted ito, bukal pa rin sa loob ng dating magkasintahan ang mga linya na binitawan nila sa music video.

May script siya, syempre may guide kung hanggang saan lang kayo. Pero yung sasabihin as an actor, kung saan ka komportable siyempre, kung saan mo mararamdaman.”

Nang tanungin ni Kim Chiu kung bakit nag-sorry si Garcia kay Barretto sa music video, biglang kinabahan ang aktor at pabirong sinabi na iba na lang ang tanungin ni Chiu sa kanya.

Dali-dali namang humingi ng tanong si Joshua sa mga fans na nasa audience kung saan tinanong siya kung madali bang maging ka-trabaho si Julia sa music video.

Sagot naman ng aktor, “Oo naman. Ka-message ko nga si Kuya Jason before the shoot. Sabi ko sa kanya, ‘Bro, sigurado ako exciting itong mangyayari.’ Kasi parang doon na lang kami ulit nagsama-sama ulit. Last project naming ginawa na magkakasama is ‘Love You to the Stars and Back’, yung ‘Torete’ ni Moi.”

Simula nang mailabas ang music video ng “Paubaya” sa YouTube noong Valentine’s Day, naging instant trending ang reunion ng “JoshLia”.

Matatandaan na simula pa lamang noong 2016 ay naging love tandem na si Joshua Garcia at Julia Barretto sa isang teleserye at limang pelikula. Naghiwalay ang dalawa noong 2019 at hindi na sila muling nagtrabahong magkasama.

Sa kasalukuyan, nagkaroon na ng mahigit na 20 million views ang “Paubaya” music video matapos lamang ang isang linggo. Ang “Paubaya” ay pinasinayaan ni Niq Ablao sa storya nina Moira Dela Torre, Jason Hernandez, at Niq Ablao.