Ivana Alawi, nagpanggap bilang pulubi sa isang “wholesome” prank

Ivana Alawi, nagpanggap bilang pulubi sa isang “wholesome” prank

Sa isa na namang makabagdamdaming prank, nagpanggap ang YouTuber na si Ivana Alawi bilang isang pulubi kung saan nagbigay siya ng pabuya sa mga taong tumulong sa kanya.

Ang sabi ni Alawi sa kanyang vlog, “Marami pa rin sa atin ang mababait, marami pa rin sa atin ang tumutulong sa ating mga kapwa. I will find you and I will reward you.”

Parte ng kanyang prank, nagpahid ng dumi sa katawan at mukha ang YouTuber at nagsuot ng gunit-gunit na damit. Pumunta siya sa iba’t ibang lokasyon kung saan namalimos siya sa mga taong dumadaan. Gumawa siya ng sarili niyang karakter na ang pangalan ay “Inday” kung saan siya ay na-stranded sa Maynila at namamalimos ng pamasahe pauwi ng Baguio.

This image has an empty alt attribute; its file name is image-7.png

Sa kanyang prank, ang bawat piso na ibibigay ng estranghero kay Alawi ay tutumbasan niya ng PHP 1,000.

Makikita sa kanyang vlog na hindi bababa sa sampung tao ang nagbigay ng pera at pagkain kay Alawi na tinumbasan naman niya ito ng pabuya. Ngunit, hindi inakala ng vlogger na mapapaiyak siya sa kanyang huling “prank”.

Na-prank ni Alawi ang isang 58 years old na tindero ng kakanin na si Joselito Martinez. Binigyan ni Martinez ng pera at pagkain si Alawi at inalukan din niya ang vlogger na bumili ng soft drinks para sa kanya.

Hindi napigilang umiyak si Ivana dahil sa katangi-tanging kabutihan a ipinamalas ni Martinez. Dahil dito, binigyan niya ang tindero ng PHP 20,000. Laking tuwa naman ng tindero dahil hindi niya ito inaakalang mangyari dahil lamang sa kanyang pagtulong sa iba.

Dahil sa kabutihan ng YouTuber, makakabili na raw si Martinez ng bisikleta para sa kanyang paglalako ng kakanin.

Tignan mo naman iyong mga katulad ni tatay, sobrang bait. Kahit hindi naman siya mayaman, tutulong pa rin. Di ba ganyang ang mga Pinoy,” ang sabi ni Ivana Alawi.

Ayon sa vlogger, mas lalo pa siyang ginanahan na maging isang mas mabuting tao para mas lalong makatulong sa iba.

Lalo akong na-inspire to become a better person to help other people because people like tatay, they really deserve it. First time kong maka-experience ng gano’n, ‘yung kukwentuhan ako tungkol sa life nila. Sobrang sarap lang.”

Para kay Ivana, isang eye-opener ang kanyang prank para sa kanyang sarili at ginawa niya ang prank na ito ng may mabuting intensyon.

Bakit ko ito ginawa? Kasi araw-araw, kapag lumalabas ako, may nakikita akong mga taong kumakatok sa bintana na nanghihingi.

It’s also rewarding the people who help out.”

Paliwanag ni Alawi, gusto niyang maranasan ang buhay ng mga walang pribilehiyo kahit man lang ng ilang oras. Naniniwala rin ang vlogger sa kasabihan na “what goes around, comes around” at hinimok niya ang mga tao na tumulong sa iba sa kahit anong paraan, malaki man o maliit.

Mayroong higit sa 12.5 million subscribers si Ivana Alawi sa kanyang YouTube channel. Umani naman ng higit na 17 million views ang kanyang video na “PRANK ON STRANGERS ON THE STREET!” sa loob lamang ng halos dalawang linggo.