DALAWANG BABAE NA NAGDALA NG LUGAW SA BRGY. HALL, INARESTO

DALAWANG BABAE NA NAGDALA NG LUGAW SA BRGY. HALL, INARESTO

Kamakailan lamang ay naging trending topic ang #lugawisessential dahil sa isang viral video sa Facebook.

Sa nasabing video, makikita ang isang babaeng kawani ng barangay na nagsabing hindi essential ang lugaw kung kaya’t hindi ito maaaring i-deliver lalo na at oras na ng curfew.

Ang viral video na ito ay ini-upload ni Marvin Ignacio, ang food delivery rider na hinarang at sinita ng barangay official.

Matapos mag-viral ang video, nakuha nito ang atensiyon ng publiko maging ng Malacañang na naglabas ng paglilinaw na lahat ng uri ng pagkain ay essential at hindi dapat hinaharang o pinipigilan ang delivery nito.

Dahil dito, napukaw din ang atensiyon ng mga netizens tungkol sa mga bagay-bagay na may kinalaman sa lugaw.

Ito rin marahil ang naging dahilan ng dalawang babae na taga-Bagong Silang, Caloocan na nagpakilalang mga vloggers.

Binalak ng dalawang babaeng ito na magdala o maghatid ng lugaw sa barangay hall ng Muzon, San Jose Del Monte, Bulacan.

Tumatak ang Barangay Muzon sa publiko dahil dito nangyari ang panghaharang sa delivery rider na magde-deliver sana ng lugaw noon.

Ngunit hindi nagustuhan ng mga taga-barangay hall ang pagdadala ng mga ito ng lugaw.

May kalakip kasi itong mensahe na nagsasabing, “Essential po ang lugaw para po matikman niyo lahat ng taga-Barangay Muzon. Happy Eating.”

Ayon sa kapitan ng barangay na si Kapt. Marciano Gatchailan, tila pang-iinsulto ang ginawa ng dalawang babae kung kaya’t sinampahan ang mga ito ng reklamong ‘unjust vexation.’

Ang kwento ng kapitan, “Bini-video na nila so talagang pinlano nila na ang barangay ay insultuhin. Wala na rin po kaming choice kasi harap na harap sa pulis noong dalhin yung lugaw kaya pati pulis nagalit sa kanila. Kaya yung pulis na rin ang nagdesisyon na dalhin sa estasyon at kasuhan ng unjust vexation kasi masyadong intentional ‘yung kanilang ginawa.”

Sinasabi rin na simula pa lang sa pagluluto ay naka-video na ang dalawa hanggang sa pagbiyahe patungo sa Barangay Muzon.

Ang sabi pa umano nila, susubukan nila kung hindi sila haharangin ng barangay.

Ang ‘unjust vexation’ ay base sa Article 287 ng ating Revised Penal Code na nagsasaad na “any other coercion of unjust vexation shall be punished by arresto menor or a fine

ranging from One thousand pesos (P1,000) to not more than Forty thousand pesos (P40,000), or both.”

Ibig sabihin, maaaring makulong ng isa hanggang tatlumpung araw at/o magmulta ng mula isang libong piso hanggang apatnapung libong piso ang sinumang nagkasala ng krimen ng unjust vexation.

Ano ang masasabi mo tungkol dito?