TIGNAN: Kilalanin ang mga Pilipinang nagbigay-karangalan sa bansa ngayong International Women’s Month

TIGNAN: Kilalanin ang mga Pilipinang nagbigay-karangalan sa bansa ngayong International Women’s Month

Hindi maikakaila ang galing, husay, at talino ng mga babaeng Pilipino pagdating sa iba’t ibang larangan at industriya. Sa selebrasyon ng International Women’s Month, kilalanin natin ang ilang mga Pilipina na nag-uwi ng karangalan para sa bansa sa kabila ng mga hamon sa buhay.

Ngayong International Women’s Month na may temang “Choose To Challenge”, naririto ang mga kwento ng mga tanyag na Pilipina na humarap sa mga iba’t ibang suliranin at napagtagumpayan ang anumang delubyo sa buhay.

Carla Montemayor bilang tagapagtanggap ng London Writers Award

Si Carla Montemayor ay ipinanganak at lumaki sa Maynila. Nakapagtapos siya sa University of the Philippines at nag-migrate patungong United Kingdom halos 16 years na ang nakalilipas.

Nanalo si Montemayor ng prestihiyosong 2021 London Writers Award (LWA) sa kategoryang Narrative Non-Fiction. Ito ay ibinigay ng Spread the Word, isang writer development agency na nirerepresenta ang mga mabababang sektor sa lipunan pagdating sa industriya ng pagsulat sa UK.

Kinakatawan ni Montemayor ang Filipino community kasabay ang iba pang 30 London-based writers na magiging parte sa isang ten-month development program para mabigyan sila ng pribilehiyo at pagkakataon na mailunsad ang kanilang karera sa pagsusulat.

Alex Eala bilang kampeonato ng ITF Women’s World Tennis Tour

Isang malaking karangalan ang natamo ng Pilipinas matapos makamit ni Alex Eala ang kampeonato sa International Tennis Federation’s Women’s World Tennis Tour.

Ito ang kauna-unahang professional tennis championship title ni Eala. Nasungkit niya ang kanyang pagkapanalo matapos talunin ni Alex Eala, 15 years old, ang representante ng Espanya na si Yvonne Cavelle-Reimers, 28 years old, na isang multi-titled pro champion.

Ginanap ang laban sa Espanya na may iskor na 5-7, 6-1, 6-2 sa tatlong set. Natalo si Eala sa unang set ng kanyang laban ngunit ang kanyang matinding determinasyon at husay ang nagdala sa kanya sa tagumpay.

Filipina leaders, binigyan ng matataas na puwesto sa US government

Tanyag ang liderato ng mga babaeng Pilipino nang maapoint ang tatlong Filipina leaders sa ilalim ng administrasyon ni United States President Joe Biden.

Sina Gloria Steele, Camille Calimlim-Touton, at Veronica Valdez ay pinangalanan bilang acting heads ng federal at development agencies ni US President Biden.

Si Steele ang namumuno bilang Acting Administrator ng United States Agency for International Development; si Calimlim-Touton bulang Deputy Commissioner sa Bureau of Reclamation sa Department of Interior; at Valdez naman bilang Special Assistant to the Assistant Secretary of Defense for Indo-Pacific Security Affairs sa Department of Defense.

Filipina youth leaders, kinilala ng National Geographic

Ang Filipina youth leaders na sina Louise Mabulo at Josefa Tauli ng University of the Philippines ay pinangalanan bilang tagapagtanggap ng Young Explorer Awards mula sa National Geographic Society.

Ang grupo ay nagbibigay ng pondo at pinansyal na tulong sa mga kabataan na lumalahok sa mga proyekto na tumatalakay sa mga global issues.

Si Mabulo ay isang cacao farming advocate mula sa Camarines Sur at si Tauli naman ay isang katutubo mila sa Cordillera. Sumali ang dalawa sa Fall 2020 cohort of Young Explorers hanggang sa nakatangap sila ng parangal mula sa NatGeo ngayong taon.